Hindi ito pangkaraniwang ginagawa sa TED, pero simulan natin ang hapong ito sa isang mensahe mula sa isang misteryosong isponsor.
Anonymous: Minamahal kong Fox News, dumating sa aming hindi kanais-nais na atensyon na parehong ang pangalan at likas na katangian ng Anonymous ay napinsala na. Kami ang lahat. Kami ang kawalan. Kami ang anonymous. Kami ang legion. Hindi kami marunong magpatawad. Hindi kami marunong lumimot. Kami ang puno't dulo ng ganap na kaguluhan.
Misha Glenny: Anonymous, mga binibini at ginoo -- isang sopistikadong grupo ng mga hackers na may pulitikal na layunin na nagpakilala ngayong 2011. At sila'y talagang nakakatakot. Hindi mo alam kung kailan sila susunod na aatake, sino o ano ang magiging kahihinatnan. Ngunit ang nakakatuwa, sila ay may sense of humor naman. Hinack nila ang Twitter account ng Fox News upang ibalita ang tangkang pagpatay kay Pangulong Obama. Ngayon maiisip mo ang takot na maaaring nalikha sa loob ng Fox newsroom. "Ano ang gagawin natin ngayon? Magsuot ng itim na gasa, or magbukas nalang ng champagne?" (Tawanan) Siyempre, sino ang hindi matatawa sa kabalintunaan ng miyembro ng Rupert Murdoch's News Corp. na naging biktima ng hacking.
Kung minsan tinitingnan mo ang mga balita at sinasabing, "Meron pa bang pwedeng i-hack?" Sony Playstation Network -- tapos na, ang gobyerno ng Turkey -- tsek, Britain's Serious Organized Crime Agency -- sobrang dali, the CIA -- naibagsak na. Sa katunayan, sinabi ng kaibigan ko mula sa larangan ng security noong isang araw na may dalawang uri ng kumpanya sa mundo: iyong alam na sila'y na-hack, at iyong hindi. Ang ibig kong sabihin, tatlong kumpanya na nagseserbisyo ng cybersecurity sa FBI ay na-hack na. Wala nang sinasanto ngayon, tama?
Gayunpaman, itong misteryosong grupo na Anonymous -- at ito mismo ang pagsasalarawan nila sa sarili -- ay nagseserbisyo publiko sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagka-inutil ng mga kumpanya sa pangangalaga ng ating datos. Ngunit may seryosong aspeto ang Anonymous -- kung saan ideyolohiya ang umiiral. Sinasabing sila'y nakikipaglaban sa tusong pagsasabwatan. Sinasabing ang gobyerno ay nagbabalak kontrolin ang Internet, at sila, ang Anonymous, ay ang totoong boses ng pagtutol -- sa paglaban sa diktadura ng Gitnang Silangan, sa mga pang-daigdigang korporasyon sa larangan ng media, o kaya'y sa mga intelligence agencies, o maging sino pa man. At ang mga ideyang pulitikal nila ay hindi lubos na kanais-nais. Okay, medyo malabo na. Maamoy mo ang kawalang pamamahala sa pangkat nila. Ngunit isang bagay ang totoo: tayo ay nasa simula ng matinding pakikibaka para sa kontrol ng Internet. Lahat ay pinagdudugtong ng Web, at di lalaon ito ang mamagitan sa halos lahat ng ating gawain. Dahil ang Internet ay may bago at komplikadong kapaligiran para sa matandang suliranin na ibalanse ang pagnanais ng seguridad at pagnanasa ng kalayaan.
Ngayon ito'y napakakomplikadong laban. Sa kasamaang-palad, para sa mga mortal na gaya natin, marahil hindi natin ito maiintindihang mabuti. Gayunpaman, sa biglang yabang ko dalawang taon na ang nakalipas, nagpasiya akong subukan at gawin iyon. At parang nakukuha ko na. Ito ang mga samu't saring bagay na aking tinitingnan habang sinusubukan kong maunawaan iyon. Ngunit para masubukan at maipaliwanag ang buong bagay, kailangan ko ng 18 minuto para magawa ito, at sana'y magtiwala lang kayo sa akin ngayon, at sinisiguro ko sa inyo na lahat ng ito ay may kinalaman sa cybersecurity at pagkontrol ng Internet sa isang paraan o iba pa, ngunit sa pagkakaayos na kahit si Stephen Hawking ay mahihirapang maintindihan. Kaya heto ka. At kung nakikita mo, sa gitna, ay ang ating dakilang kaibigan, ang hacker. Ang hacker ay ganap na gitna sa karamihan ng isyung pulitikal, panlipunan at pang-ekonomiya na nakakaapekto sa Net. At naisip ko sa sarili ko, "Buweno, sila ang mga taong gusto kong makausap." At ano pa nga ba, wala palang nakikipag-usap sa mga hackers. Sila'y lubos na anonymous, tulad nito.
Kaya sa kabila ng mga balitang bilyun-bilyon ang binububuhos, daan-daang bilyong dolyares, sa cybersecurity -- upang gumawa ng mga pambihirang solusyong teknikal -- walang gustong makipag-usap sa mga taong ito, sa mga hacker, na nasa gitna ng lahat. Sa halip, mas gusto nating bilhin ang mga pambihirang teknolohiya, at gumastos ng napakalaking halaga. At kaya walang pumupunta sa mga hacker. Gayunpaman, may isang maliit na pangkat ng mananaliksik sa Turin, Italy na tinatawag na Hackers Profiling Project. At gumagawa sila ng nakakatuwang pananaliksik sa mga katangian, abilidad at pagsasapanlipunan ng mga hacker. Ngunit dahil sila'y operasyon ng U.N., hindi pinapansin ng mga gobyerno at korporasyon ang kanilang impormasyon. Dahil ito'y operasyon ng U.N., siyempre, wala itong pondo. Ngunit sa tingin ko mahalaga ang kanilang trabaho. Dahil kung saan mayroong kalabisan ng teknolohiya sa larangan ng cybersecurity, tayo ay may tiyak na kakulangan -- tawagin mo akong makaluma -- sa intelligence reports.
Nabanggit ko na na ang grupong Anonymous ay may layuning pulitikal. Siyempre, sa sistema ng hustisyang pang-krimen sila ay mga pangkaraniwang kriminal. Ngunit, hindi ginagamit ng Anonymous ang na-hack na datos upang yumaman. Papaano naman ang mga totoong cybercriminals? Ang organisadong krimen sa Internet ay nagsimula noong 10 taon ang nakalipas kung saan ilang Ukrainian hackers ay gumawa ng website, at tuluyang pinalawig ang larangan ng cybercrime. Maligayang pagdating sa pinaglumaang kaharian ng CarderPlanet. Ganito ang pagsasalarawan nila sa sarili sa Net noon isang dekada ang nakalipas. Talaga namang nakakaaliw ang CarderPlanet. Pupunta ang mga cybercriminals doon upang bumili at ibenta ang mga nanakaw na credit card info, para makipagpalitan ng impormasyon tungkol sa mga bagong malware. At alalahanin, ito yung mga panahon kung saan bagong-bago pa ang mga off-the-shelf malware. Ito yung mga madaling gamitin, mga out-of-the-box, na maaring gamitin kahit hindi gaanong sanay ang isang hacker.
Kaya't naging isang malaking pamilihan ang CarderPlanet para sa mga cybercriminals. At ang lumikha nito ay napakatalino at mala-negosyante, dahil sila'y nahaharap noon sa isang hamon bilang mga cybercriminals. At ang hamon na iyon: Paano magtatagumpay ang negosyong ito, at paano mo pagkakatiwalaan ang isang kliyente sa Web na nais makipag-negosyo kung sila'y isang kriminal? (Tawanan) Kaakibat na siguro ang pagkatuso, na maaring kang dayain ng iyong kliyente. Kaya nakaisip ang pamilya, na siyang tawag sa bumubuo ng CarderPlanet, ang isang napakahusay na ideya na tinawag na sistemang escrow. Nagtalaga sila ng opisyal na mamamagitan sa nagbebenta at mamimili. Halimbawa, bitbit ng nagbebenta ang nanakaw na credit card info; gusto ng mamimili na makuha ang mga ito. Ang mamimili ay magpapadala sa opisyal ng ilang dolyares sa paraang digital, at ibibigay ng nagbebenta ang mga detalye. Susubukan muna ng opisyal kung gumagana ang nakaw na credit card. Kapag gumagana nga, ibibigay na niya ang pera sa nagbebenta at ang credit card info sa mamimili. Ang sistemang ito mismo ang ganap na nagpabago sa cybercrime sa Web. Pagkatapos noon, lalo na itong lumaganap. Nagkaroon ng tinatawag na dekadang champagne ang mga tauhan ng Carders.
Nakipag-usap ako sa isa sa mga Carders na tatawagin nating RedBrigade -- kahit na hindi iyon ang kanyang totoong palayaw -- dahil naipangako kong hindi ko siya ibubunyag. At ipinaliwanag niya sa akin na noong 2003 at 2004 pupunta lang siya sa New York, kukuha ng $10,000 sa isang ATM dito, $30,000 sa isang ATM doon, gamit ang mga cloned credit cards. Sa isang linggo, humigit-kumulang $150,000 -- na walang tax! At sabi niya sa sobrang dami ng pera na nakatago sa kanyang apartment sa upper-East side ay dumating ang pagkakataong wala na siyang pagkakagastusan at dumaan sa matinding pagkalungkot. Ngunit ibang kwento na iyon, at hindi ko muna ikukwento sa inyo. Ang totoo niyan, si RedBrigade ay hindi naman ang pinakamagaling na hacker. Naiintindihan niya ang teknolohiya, at batid na mahalaga ang paniniguro kung ikaw magiging isang Carder, ngunit hindi niya ginugol ang bawat araw at gabi sa harap ng kompyuter, kumakain ng pizza, umiinom ng coke, at iba pa. Ang totoo, madalas siyang lumabas at nagsasaya sa tinuturing niyang rurok ng tagumpay.
Ito ay dahil ang mga hacker ay isang elemento lamang sa negosyong cybercrime. Madalas, sila ang pinakamarupok na elemento sa lahat. Gusto kong ipaliwanag ito gamit ang anim na tauhan na nakilala ko habang nananaliksik pa ako. Dimitry Golubov, alyas SCRIPT -- ipinanganak sa Odessa, Ukraine noong 1982. Natuto siya sa mga isyung panlipunan at moral sa daungan ng Black Sea noong 1990s. Iyon ay isang malupit na kapaligiran at ang paglahok sa kriminal na gawain ay hindi maiiwasan kung gusto mong mabuhay ng matagal. Bilang mahusay sa paggamit ng kompyuter, ginaya ni Dimitry ang kapitalismo ng gangster ng kanyang bayan at pinagpatuloy sa Worldwide Web. At napakahusay niya dito. Alalahanin mong pagsapit ng kanyang ika-9 na kaarawan, ang tanging lipunan na alam niya ay gangsterism. Para sa kanya, walang ibang paraan upang mabuhay at magkapera.
Andyan si Renukanth Subramaniam, alyas JiLsi -- tagapagtatag ng DarkMarket, ipinanganak sa Colombo, Sri Lanka. Noong walong taong gulang siya, lumisan ang kanyang mga magulang mula sa Colombo dahil sa mga Singhalese na nagkalat sa siyudad, at hinahanap ang mga Tamil gaya ni Renu upang patayin. Sa edad na 11, siya ay siniyasat ng mga kawal ng Sri Lanka, inakusahan ng pagiging terorista, kaya't pinadala siya ng kanyang mga magulang sa Britanya bilang isang refugee na naghahanap ng political asylum. Sa edad na 13, at dahil kaunti lamang ang alam sa wikang Ingles at inaapi pa sa paaralan, naging kanlungan niya ang mundo ng kompyuter at nagpalamas ng husay at abilidad, ngunit di kalaunan siya ay naakit ng mga masasamang tao sa Internet. Siya ay nahatulan ng pagsasangla at pandaraya ng credit cards, at makakalaya na siya mula Wormwood Scrubs jail sa London sa 2012.
Matrix001, na isang tagapamahala sa DarkMarket. Ipinanganak sa katimugang Alemanya sa isang respetadong pamilyang middle-class, at ang pagkahumaling sa gaming noong siya'y binata pa ay humantong sa hacking. Di nagtagal, hawak na niya ang malalaking servers sa iba't ibang panig ng mundo na naglalaman ng mga laro na kanyang na-crack at pinirata. Ang pagkalulong sa krimen ay lumala. Ngunit noong nagising siya sa katotohanan at lubos nang naintindihan ang mga bagay-bagay, naging huli na ang lahat.
Max Vision, alyas ICEMAN -- ang utak ng cardersMarket. Ipinanganak sa Meridian, Idaho. Isa si Max Vision sa mga pinakamagaling na penetration tester na nagtratrabaho sa Santa Clara, California noong 90s para sa mga pribadong kumpanya at nag-volunteer sa FBI. Noong pagtatapos ng 1990s, nadiskubre niya ang isang butas sa mga network ng pamahalaan ng U.S., at inayos niya ito agad -- dahil sakop nito ang mga kagamitang nuclear -- at naiwasan ng gobyerno ng Amerika ang isang malaking kahihiyan. Ngunit, dahil sa kanyang ugaling hacker, nag-iwan siya ng digital wormhole na siya lamang ang makakalusot. Sa kasamaang palad, natuklasan ito ng isang imbestigador, at siya ay nahatulan ng pagkakakulong. Sa kanyang pagkakabilanggo, siya ay nilapitan ng mga nais mandaya, at hinimok siya ng mga financial fraudsters na makipag-ugnayan kapag lumaya na siya. Kaya't ang taong ito, kahit na sobrang talino, ay nakakulong ngayon sa sentensiyang 13-taon sa California.
Adewale Taiwo, alyas FeddyBB -- master bank account cracker mula sa Abuja sa Nigeria. Itinatag niya ang walang pasakalyeng newsgroup, bankfrauds@yahoo.co.uk bago dumating sa Britanya noong 2005 upang kumuha ng Masters sa chemical engineering sa Pamantasaan ng Manchester. Pinahanga niya ang pribadong sektor, lumikha ng mga teknolohiyang pangkemikal para sa industriya ng langis habang pinapatakbo ang pandaigdigang operasyon ng bank at credit card fraud na nagkakahalaga ng milyon-milyon hanggang siya'y maaresto noong 2008.
At si Cagatay Evyapan, alyas Cha0 -- isa sa mga pinakakahanga-hangang hacker, mula sa Ankara sa Turkey. Abilidad niya ang pinagsamang geek at swabeng pakikipag-ugnayan na tatak ng isang master criminal. Isa siya sa mga pinakamatalinong taong nakilala ko. Nilikha din niya ang pinaka-epektibong virtual private network security arrangement ayon sa mga pulis, kung ikukumpara sa lahat ng mga cybercriminals.
Ang mahalagang bagay tungkol sa mga taong ito ay ang iilang katangiang bitbit nila kahit na sila'y nagmula sa iba't-ibang karanasan. Natuto silang mag-hack noong kabataan nila. Sila ay may pambihirang abilidad sa matematika at agham. Mapapansing naging mahusay sila sa hacking noong hindi pa ganap ang kanilang paninindigang moral. At karamihan sa kanila, except kay SCRIPT at Cha0, ay walang ganap na kakayahang makihalubilo sa tunay na mundo -- tanging sa Web lamang.
At kapansin-pansin na ang mga katangian ng hackers ay mga katangian ng mga taong may Asperger's syndrome. Itinanong ko ito kay Propesor Simon Baron-Cohen na dalubhasa sa developmental psychopathology sa Cambridge. Ginawa niya ang ilang panibagong pag-aaral sa autism at pinatunayan na si Gary McKinnon -- na pinaghahanap ng Estado Unidos dahil sa pag-hack sa Pentagon -- ay may Asperger's at nakakaranas ng ng matinding kalungkutan. Ipinaliwanag ni Baron-Cohen na ang kanilang kapansanan ay pinupunan ng husay sa hacking at paggamit ng kompyuter bilang kapalit, at hindi makatarugan na agad nating ipakulong ang mga taong ito na may kakaibang kapansanan at kakayahan dahil wala silang kakayahang makihalubilo o di kaya'y nadaya lang.
Tingin ko'y isang malaking oportunidad ito, dahil tingin ko hindi bagay sa kulungan ang mga taong gaya ni Max Vision. At magiging pranka ako. Sa Tsina, sa Russia at iba pang bansa na nagpapayabong ng kakayahang cyber-offensive, ito ang kanilang ginagawa. Kinukuha na nila agad ang mga hacker bago pa man o pagkatapos nilang masangkot sa gawaing kriminal at espionage -- at pinapakilos sa ikakabuti ng estado. Kailangan nating kumasundo at magbigay patnubay sa mga kabataang ito, dahil sila'y katangi-tangi. At kung tayo ay aasa, tulad ngayon, sa sistema ng criminal justice at mga malalambot na parusa, maaring lumaki pa ang halimaw at mahirap nang mapaamo.
Maraming salamat sa pakikinig.
Chris Anderson: Ang ideya mo ay ang bigyang trabaho ang mga hackers. Hindi ba't andun ang pangamba na ang mga kukunin nating hackers ay maglalagay din ng wormhole?
MG: Sa tingin ko, kailangan nating unawain na ugali na ng mga hackers ang ganyan. Wala silang sinasanto at obsessed sa kanilang ginagawa. Ngunit ayon sa mga taong kinausap ko na nagkasala sa batas, ang sabi nila, "Pakiusap, bigyan niyo kami ng pagkakataon na makapagtrabaho sa isang legal na industriya. Hindi nga lang namin alam kung papaano. Gusto naming makipagtrabaho sa inyo."
Chris Anderson: Kung sabagay tama ka. Maraming salamat Misha.
You can share this video by copying this HTML to your clipboard and pasting into your blog or web page. This video will play with subtitles.
You either have JavaScript turned off or have an old version of the Adobe Flash Player. To view this rating widget you
need to get the latest Flash player.
If your browser allows only "trusted sites" to execute Javascript, you should add the "googleapis.com" domain to your whitelist to allow our Flash detection to work properly.
Got an idea, question, or debate inspired by this talk? Start a TED Conversation.
Sa kabila ng bilyon-bilyong dolyares na puhunan sa cybersecurity, isa sa mga nakaugat na problema ay hindi lubos napapansin: sino ang mga taong nagsusulat ng malisyosong code? Isa-isang tinukoy ng imbestigador na si Misha Glenny ang ilang coders mula sa iba't ibang panig ng mundo na nahatulan na sa korte, at inilahad niya ang isang kagulat-gulat na konklusyon.
Journalist Misha Glenny leaves no stone unturned (and no failed state unexamined) in his excavation of criminal globalization. Full bio »
Translated into Filipino by Polimar Balatbat
Reviewed by Schubert Malbas
Comments? Please email the translators above.
19:30 Posted: Sep 2009
Views 339,532 | Comments 86
17:34 Posted: Jul 2011
Views 847,499 | Comments 177
05:33 Posted: Mar 2010
Views 509,092 | Comments 84
Just follow the guidelines outlined under our Creative Commons license.
This comment will be attributed to . Not ? Sign Out.