Ako ay isang manunulat Ang pagsusulat ng mga libro ang aking hanapbuhay, datapuwa't hindi lang iyan at hindi diyan nagtatapos. Ang pagsusulat din ay ang aking habambuhay na pag-ibig at pagkahalina. At tingin ko'y iyan ay hindi kailanman magbabago. Gayunpaman, may kakaibang pangyayari kamakailan lang sa aking buhay at sa aking karera, na nagdulot sa akin na muling usisatin ang kabuuan ng aking relasyon sa aking trabaho. At ang kakaibang pangyayaring ito ay ang pagsulat ko ng libro, kamakailan lang, isang talambuhay, na may pamagat na "Eat, Pray, Love" na walang kaduda duda, hindi katulad sa mga nauna kong libro sapagkat, sa hindi ko mawaring dahilan, ito ay naging isang malaki, napakasikat, at lubhang mabiling libro sa buong mundo. Dahil dito, saan man ako magtungo ngayon, tinuturing ako ng mga tao na tila ako ay nasa isang tiyak na na pahamak tiyak, tiyak na pahamak! Heto't lumalapit sila, balisa, at sinasabing "Hindi ka ba natatakot? -- hindi ka ba natatakot na hindi mo na mahihigitan pa ang librong iyan? Hindi ka ba natatakot na mula ngayon hanggang sa natitirang bahagi ng iyong buhay, ikaw ay magsusulat at hindi ka na muli makakagawa ng isang libro na magugustuhan ng kahit isang tao kailan pa man?"
Tila nakakaluwag ng damdamin, hindi ba. Maaaring mas may masidhi pa nito, liban na nga lang sa isa kong naalalang pangyayari may 20 taon nang nakalilipas, noong una ko pa lang pinamamahagi sa mga tao - nung ako ay nagdadalaga pa lamang - na gusto kong maging isang manunulat. Sinalubong ako ng reaksyon na natutulad din sa reaksyon ng mga tao ngayon, reaksyon na nababase sa takot. At sasabihin ng mga tao, "Hindi ka ba natatakot na hindi ka kailanman magtatagumpay? Hindi ka ba natatakot na mamamatay ka sa kahihiyan dahil sa hindi pagtanggap sa iyo? Hindi ka ba natatakot na sa buong buhay mo, patuloy kang maglilikha sa sining na ito subalit ni kailanman ay hindi ito magbubunga at mamamatay ka na lamang sa pira-piraso't santambak na bigong pangarap kung saan ang iyong bibig ay puno ng mapait na abo ng kabiguan? (Tawanan) Parang ganun, alam nyo yun.
Ang sagot - ang maiksing sagot sa lahat ng mga katanungang iyon ay, "Oo." Oo, ako ay natatakot sa lahat ng mga bagay na iyon. Noon pa man, ako ay takot na. Liban pa doon, ako din ay takot sa marami pang ibang bagay na maaring hindi mawari ng ibang mga tao. Tulad ng damong-dagat, at iba pang bagay na nakakatakot. Subalit, kung pagsusulat na ang pag-uusapan ang tanong na tila pinag-iisipan ko kamakailan lang, at pinagtatakhan kamakailan, ay bakit? Iyong tipong, eto ba ay makatwiran? Na makatwiran nga bang asahan ang isang tao na matakot sa trabahong sa tingin nila ay syang itinalaga na gawin nila sa mundong ito. Alam mo yun, ano nga ba ang meron sa pagngangahas na lumikha na wari baga'y tayo ay nangangamba na sa katinuan ng ating pag-iisip taliwas sa ibang karera? Bilang halimbawa, ang aking ama ay isang Chemical Engineer at sa buong 40 taon na iginugol nya sa Chemical Engineering, 'ni minsan ay 'di ko naalalang may nagtanong sa kanya kung siya ba ay natatakot maging isang Chemical Engineer. Wala akong narinig na - kamusta na ang mga sagabal natin sa Chemical Engineering John? Walang ganuong pangyayari sa kanila. Gayunpaman, ang mga Chemical Engineers, bilang isang pangkat ay hindi naturingan nitong mga nakaraang siglo bilang mga lasenggong malimit malumbay. (Tawanan)
Tayong mga manunulat, tila may ganoon tayong reputasyon, at hindi lamang manunulat, kundi pati lahat ng mga malikhaing tao sa lahat ng kategorya, ay tila may reputasyon sa pagkakaroon ng hindi matatag na katinuan. Tingnan na lamang natin ang nakapanghihilakbot na bilang ng mga namatay nitong ika-20 siglo pa lang, ng mga batikang manlilikha na namatay sa murang edad at kalimitan ay sa kanilang mga sariling kamay. At kahit pa man may iba na hindi pa literal na nagpapakamatay ay tila bagang nawawasak ang katinuan dahil sa kanilang angking talento. Norman Mailer, sa huling panayam sa kanya bago sya mamatay, ay nagsabi na "Bawat isa ng aking mga libro, ay pinatay ako nang paunti-unti." 'Di ba't isa itong kakaibang pahayag ukol sa gawaing pinaggugulan mo ng iyong buhay? Subalit hindi man lang tayo kumukurap 'pag naririnig natin ito sapagkat nasanay na tayo dahil sa ilang beses na natin ito narinig at tila baga'y naisaloob na natin at natanggap na ang pagiging malikhain at ang pagdurusa ay tila magkaakibat at magkapatid at ang pagiging malikhain, sa huli, ay magdudulot ng ibayong sakit at pagdurusa.
At ang katanungan na gusto ko itanong sa mga narito ngayon ay kayo bang lahat ay tanggap ang palaisipan o ideya na ito? komportable ba kayo dito - dahil kung titingnan nyo ito, kahit lumayo lang kayo ng isang pulgada, alam nyo Hindi ako komportable sa ideyang ito. Tingin ko ito ay nakakasuka at nakakasuklam. Tingin ko din ito ay delikado, At ayoko makitang napanatili ang ideyang ito sa susunod na siglo. Minumungkahi kong himukin natin ang ating mga dakilang manlilikha na magpunyaging mabuhay.
At tiyak akong alam ko,kung uusisatin ang aking sitwasyon, na lubhang mapanganib kung uumpisahan kong tumungo sa masalimuot na landas ng pagpapalagay, lalo na kung isasa-alang alang ang mga bagay-bagay sa kasalukuyang kalagayan ng aking karera. Kung iisipin nyo at titignan, Ako'y lubhang bata pa lamang, ako'y 40 taong gulang pa lamang. At ako'y may sa 4 na dekada pa ng trabahong natitira. At higit na lubhang posible na lahat ng aking isulat pamula ngayon ay mahahatulan ng buong mundo bilang isang likha pagkatapos ng nakakatakot na tagumpay ng huli kong libro, hindi nga ba? Sa tapatang pananalita, dahil sa tayo'ng lahat ay magkakaibigan na ngayon - lubhang posible na ang aking kalubus-lubusang tagumpay ay natapos na. Susmaryosep! Anong klaseng pag-iisip eto! Alam nyo na eto ang uri ng pag-iisip na maaring mag-udyok sa isang tao na uminom ng hinebra ng alas-9 ng umaga, at ayoko ma-udyok nang ganuon. (Tawanan) Mas gugustuhin ko pa na patuloy na gawin ang gawaing mahal ko.
Kung kaya, ang tanong ay, paano? At kaya, sa aking palagay, matapos ang maraming pagmumunimuni, na ang paraan ng aking pagtatrabaho ngayon, upang magpatuloy sa pagsusulat ay dapat makalikha ako ng parang isang sikolohikal na pangharang, di kaya? Kailangan ko na makahanap ng paraan na magkaroon ng ligtas na layo sa pagitan ko, habang ako ay nagsusulat, at ng aking likas na pag-aagam-agam sa kung ano ang magiging reaksyon sa sinulat ko, mula ngayon. At, habang naghahagilap ako sa nagdaang taon ng mga modelo kung paano gumawa ng paraan naghanap ako ng maaring ehemplo sa mga nagdaang panahon at sinubok kong maghanap sa ibang lipunan upang matignan na baka sila ay may mas mainam at makatwiran na ideya kaysa sa amin kung paano tulungan ang mga manlilika na pangasiwaan ang angking panganib sa damdamin na kaakibat ng pagkamalikhain.
At ang pagsisiyasat na iyon ay nagdala sa akin sa sinaunang Griyego at Roma. Kaya't maari lamang na samahan nyo ako dito dahil sa babalik din tayo mamya sa usaping eto. Subalit, sa sinaunang Griyego at sinaunang Roma - ang mga tao ay tila hindi naniniwala na ang pagkamalikhain ay galing sa katawang lupa ng tao, OK? Naniniwala ang mga tao na ang pagkamalikhain ay isang banal na espiritong naglilingkod na sumapi sa katawang lupa ng tao mula sa malayo at di mawari na pinagmulan ayun sa malayo at di mawaring dahilan. Tinawag ng mga Griyego ang banal na espiritong eto sa bantog na pangalang "daemons". Si Socrates ay tanyag sa kanyang paniniwala na sya ay mayroong daemon na nagpapahayag sa kanya ng dunong mula sa kalayuan. Ang mga taga-Roma ay may katulad na ideya subalit tinatawag nilang "henyo" ang nakabuwag na malikhaing espirito na ito. Tingin ko ito ay kahanga-hanga, sapagkat hindi iniisip ng mga taga-Roma na ang henyo ay isang lubhang matalinong tao. Naniniwala sila na ang henyo ay tila parang isang mahiwaga at banal na nilalang na pinaniniwalaang literal na nakatira sa pader ng estudyo ng manlilikha, parang si Dobby ang bahay-duende, na lumilitaw at tila tumutulong sa manlilikha sa kanilang trabaho nang hindi nakikita na syang magbibigay hugis ng kinalabasan ng sining.
'Di ba't ang galing - ayan, yung puwang na sinasabi ko - ang sikolohikal na pader na magtatanggol sayo mula sa bunga ng iyong sining. At alam ng lahat na ganito ang takbo ng mga bagay-bagay. Datapuwa't ang mga sinaunang manlilikha ay tiyak na ligtas sa ilang mga bagay gaya na lamang ng lubusang pagmamahal sa sarili, hindi ba? Kung ang likha mo ay lubhang magaling hindi mo maaangkin ang buong karangalan nito dahil alam ng lahat na may henyong nakabuwag sayo na tumulong sa iyo. Kung ang likha mo naman ay malaking palpak, hindi sayo ang bunton ng lahat ng sisi. Alam ng lahat na ang henyo mo ay tila walang kuwenta. At eto ang paniniwala ng mga tao sa Kanluran ukol sa pagkamalikhain sa loob ng mahabang panahon.
Hanggang sa dumating ang Renaissance at ang lahat ay nagbago, at nagkaroon tayo ng malaking ideya, at ang malaking ideyang ito ay ang ilagay natin ang bawat indibidwal sa gitna ng sansinukob angat sa lahat ng mga diyos-diyosan at hiwaga, at wala nang puwang para sa mga mahiwagang nilalang na ginagabayan ng banal. At ito'y simula ng makatwirang humanismo, at ang mga tao'y nag-umpisang maniwala na ang pagkamalikhain ay ganap na mula sa sarili At sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng tao, maririnig mo ang ibang tao na nagsasabing si ganto o ganyang manlilikha ng sining ay isang henyo sa halip na nagkaroon ng henyo.
At ito ang masasabi ko, tingin ko iyon ay isang lubhang malaking pagkakamali. Alam nyo, tingin ko na ang pagpapahintulot sa isang tao, sa iisang tao, na maniwalang sya ay tila parang isang sisidlan parang balon, at syang pinakabuod at bukal ng lahat ng banal, mapanlikha, mahiwaga, ng walang hanggang misteryo ay tila bahagyang labis na na responsibilidad para sa isang marupok na pag-iisip ng tao. Ito'y nahahalintulad sa kahilingang lamunin ng isang tao ang araw. Lubos nitong nababaluktot at napapasama ang kaakuhan ng tao, at dulot nito ang lahat ng hindi na makatwirang ekspektasyon sa likha at gawa. At tingin ko na ang panggigipit na ito ay syang pumapatay sa ating mga manlilikha sa nakaraang 500 years.
At, kung ito ay totoo, at tingin ko'y ito ay totoo, ang tanong ngayon ay, ano na ang mangyayari ngayon? Maari ba nating baguhin ang mga bagay? Marahil bumalik tayo sa sinaunang paniniwala ukol sa kaugnayan ng tao at ng hiwaga ng paglikha. Maaring hindi na. Marahil hindi natin mabubura ang limang siglo ng makatwirang pag-iisip na nakasentro sa kapakanan ng tao sa loob lamang ng isang 18 minuto na talumpati. At maaring may iilan sa mga nandirito na magbabahagi ng kanilang mga lehitimong hinala na nakabase sa agham ukol sa mga kuru-kuro sa mga diwata na bumubuntot sa mga tao sabay pahid ng fairy juice sa kanilang mga proyekto at kagamitan. Marahil hindi ko kayo lahat mapapasang-ayon sa isiping ito.
Subalit ang tanong na nais ko sana iparating sa inyo ay - bakit nga ba hindi? Bakit nga ba hindi natin isipin sa ganitong paraan? Dahil sa ito ay syang pinakamakatwiran na sa lahat ng aking narinig ukol sa pagpapaliwanag ng tila bagang nakakabaliw na kapritso ng proseso ng paglikha. Isang proseso, na marahil maipagpapatotoo ng ninuman na sumubok gumawa ng isang bagay - at maaring, lahat ng nandidito - na hindi kailanman palaging makatwiran. At, sa katunayan, ay minsan tila bagang lubos na paranormal.
Kamakailan lang, nakatagpo ko ang isang kahanga-hangang Amerikanang makata na si Ruth Stone, na ngayon ay nasa 90 mahigit na, subalit naging isang makata sa buong buhay nya at kinwento nya sa akin na nuong kabataan nya sa lalawigan ng Virginia, minsan ay nasa kabukiran sya, nagtatrabaho, at sabi nya'y minsan, mararamdaman nya at maririnig ang isang tula na papalapit sa kanya mula sa malayong tanawin. At sabi nya'y tila para etong isang dumadagundong na tren ng hangin. At lubhang mabilis syang dadatnan nito mula sa malayo. At mararamdaman nya itong papalapit, dahil niyayanig nito ang lupang kinatatayuan nya. Alam nyang iisa lamang ang nararapat nyang gawin sa mga pagkakataon na iyon at iyon ay, ayun sa kanya, ang tumakbo na parang hinahabol ng demonyo. At tatakbo sya ng ubod ng bilis papunta sa bahay nya at hahabulin sya ng tulang ito at ang mahalaga sa lahat ay dapat makakuha sya ng papel at lapis nang mabilis upang kung dadatnan man sya nito ay matitipon nya ito at masusunggab nya ito at maisatitik sa papel. At mayroong minsan na hindi sya ganoon kabilis, kung kaya't sya ay tatakbo at tatakbo at tatakbo, at hindi nya aabutin ang bahay nya at dadaanan lamang sya ng tula at hindi nya na ito mahuhuli pa at sabi nya'y magpapatuloy ito sa ibayong lugar, maghahanap, ayun sa kanya "ng ibang makata". At mayroon ding mga pagkakataon - ito ang bahaging hindi ko makakalimutan - sabi nya, may mga sandaling kamuntik nya nang hindi mahuli ang isang tula. Kaya, sya ay tatakbo patungo sa bahay nya, at maghahanap sya ng papel at dadaanan sya ng tula, at nakakuha sya ng lapis kasabay ng pagdaan ng tula sa kanyang gunita, at ang sabi nya, ay tila parang aabutin ng kanyang isang kamay ang tula at mahuhuli nya ito. Mahuhuli nya ang tula sa buntot, at hihilahin nya itong pabalik sa katawan nya habang isinasalin nya ito sa papel. At sa mga pagkakataong ito, mag-aanyong ganap at buo ang kanyang tula sa papel subalit pabaliktad, na nagsimula sa huling salita hanggang sa una. (Tawanan)
Kaya nung narinig ko ito, pakiramdam ko, lubhang kataka-taka eto, sapagkat ganitong ganito ang paraan ng aking paglikha. (Tawanan)
Hindi iyon ang buod ng proseso ng aking paglikha - hindi ako ang tubo at daan! Ako ay parang mula, at ang paraan ng aking paggawa ay kailangan ako gumising sa parehong oras araw-araw, at maghirap at gumawa at piliting gumawa bagamat saliwa. Subalit kahit ako, sa aking pagiging mala-mula, naranasan at naramdaman ko din ang bagay na iyon, paminsan. At palagay ko marami sa inyo ang nakaranas din nito. Alam nyo, kahit ako ay nagakaroon din ng mga likha at ideya na tila nanggaling mula sa isang bukal na sa totoo lang ay hindi ko mawari kung ano. At ano ang bagay na ito? At paano tayo makikipag-ugnayan sa bagay na ito nang hindi nawawalan ng bait at tamang pag-iisip, subalit datapawat makakatulong pa sa atin upang panatiliin ang ating katinuan?
At para sa akin, ang pinakamainam na ehemplo sa panahon nating ito kung paano gagawin iyon ay ang musikerong si Tom Waits, na nakapanayam ko ilang taon ang nakalilipas para sa isang magasin. At pinag-uusapan namin ito, at alam nyo, si Tom, halos sa buong buhay nya ay syang larawan ng isang naliligalig na modernong manlilikha, na nagsusumikap kontrolin at pamahalaan at pangibabawan ang mga gantong hindi mapigil na udyok ng paglikha na higit na lubhang panloob at pansarili.
Subalit sa pagtanda nya, naging kalmado na sya, at isang araw habang nagmamaneho sya sa freeway ng Los Angeles, ang kwento nya, at sa pagkakataon na to nagbago ang lahat para sa kanya. Habang humaharurot sya sa daan, bigla na lang may narinig syang mumunting kapiraso ng himig na pumasok sa isipin nya pares ng pagdating minsan ng isang inspirasyon, mailap at mapanukso, at gusto nya ito, alam nyo na, dahil sa ito'y maganda, at inaasam nya ito, subalit wala syang paraan upang kuhanin eto. Wala syang papel, wala syang lapis, wala syang tape rekorder.
Kung kaya't unti-unti na naman nyang nararamdaman ang dating pagkabalisa gaya ng, "hindi ko na maaalala ang bagay na ito mamya, at habambuhay na akong mumultuhin nito. Hindi ako ganun kagaling, at hindi ko kayang gawin ito." Subalit sa halip na mataranta, ay tumigil lamang sya. Tinigil nya lamang ang buong proseso ng pag-iisip at tsaka nya ginawa ang isang kakaibang bagay. Tumingin sya sa langit, at sabi, "Mawalang galang po, hindi nyo ba nakikita na ako'y nagmamaneho?" (Tawanan) "Tingin nyo ba nasa kalagayan ako ngayon na makapagsulat ng kanta? Kung gusto mo talaga magmeron, bumalik ka sa mas akmang oras kung kelan mahaharap kita at maasikaso. Kung hindi, iba na lang ang istorbohin mo ngayon. Umalis ka't abalahin mo si Leonard Cohen."
At ang buo nyang paraan ng paglikha ay nagbago pagkatapos nun. Hindi ang gawang-sining, ang mga likha nya ay minsan singdilim pa din ng dati. Kundi ang proseso, at ang mabigat na pagkaligalig na kaakibat nito napakawalan nung kinuha nya ang genie, ang henyo palayo sa kanya dahil sa wala nang ginawa ang henyo kundi manggulo, at nung pinakawalan nya bumalik eto mula sa pinanggalingan, at napagtanto nya na hindi naman kinakailangan na maging isa etong panloob na paghihirap. Maari naman etong maging katangi-tangi, nakakamangha, kakaibang pagtutulungan parabagang pakikipag-usap sa pagitan ni Tom at ng kakaibang eksternal na bagay na parang si Tom subalit hindi lubos na sya.
Kung kaya nung narinig ko ang kwentong iyon, nagsimula ring mag-iba ng direksyon ang paraan ng aking paglikha, at naligtas na ako nito ng mahigit isang beses. Ang ideyang ito ang nagligtas sa akin sa gitna ng pagsusulat ko ng "Eat, Pray, Love" nung naranasan ko ang mawalan ng pag-asa na malimit nating nararanasan sa mga panahong may ginagawa tayo at hindi lumalabas ang gusto natin gawin at nagsisimula kang mag-isip na magiging isa etong disastre, na ito ang pinakamalalang libro na naisulat sa simulat sapul. Hindi lang pangit kundi pinakamalalang librong naisulat. At nagsimula akong mag-isip na i-abandona na ang proyekting ito. Subalit naalala ko si Tom, kausap ang hangin at sinubukan ko ito. Kung kaya't inangat ko ang mukha ko mula sa manuskrito at itinuon ko ang aking mga puna sa isang bakanteng sulok sa kwarto. At sa malakas na boses, sabi ko, "Makinig ka, ikaw na bagay, alam nating dalawa na kung ang librong ito ay hindi magaling ang kasalanan ay hindi pawang akin lamang, hindi ba? Dahil nakikita mo na ibinibigay ko ang lahat ng meron ako sa librong ito, Wala na akong maibibigay pa liban nito. Kaya kung gusto mo maging mas magaling, kailangan mong magmeron at gawin ang trabaho mo. Sige. Kung ayaw mo man magpakitang gilas, bahala na nga. Ipagpapatuloy ko pa rin ang aking pagsusulat dahil ito naman ang aking trabaho. At pakiusap lang na pakitala sa araw na ito na nagpakita ako at ginawa ang trabaho ko." (Tawanan)
Dahil -- (Palakpakan) sa huli, parang ganto, OK - sa desyerto ng North Africa ilang siglo na nakalilipas, ang mga tao'y kalimitan nagtitipun-tipon sa gabing bilog ang buwan para sa mga sagradong sayaw at musika na maaring magtuluy-tuloy ng ilang oras, hanggang madaling-araw. At lahat ng mga ito'y kahanga-hanga, dahil ang mga mananayaw ay propesyonal at sila'y lubhang magaling. Subalit paminsan-minsan, sa mga lubhang bihirang pagkakataon, may nangyayari, at isa sa mga mananayaw ay nagiging transendente. At alam nyo kung ano ang gusto ko tukuyin, dahil alam kong kayong lahat ay nakakita, minsan sa inyong buhay, ng isang palabas na ganto. Tila bagang huminto ang oras, at ang mananayaw ay pumasok sa tila isang lagusan kahit wala naman syang ginawang kakaiba sa karaniwan, isang libong gabi ang nakalilipas, subalit ang lahat ay humahanay. At sa isang kisapmata, tila sya ay hindi na isang karaniwang tao lamang. Sya ay tila may ilaw sa loob, at sa ilalim at ang buo nyang katawang lupa ay tila inilawan ng dibinidad.
At sa tuwing nangyayari ito nuon, alam ng mga tao kung ano ito, alam nyo, tinatawag nila ito sa pangalan. Maghahawak-kamay sila at magsisimula silang padasal na umawit, "Allah, Allah, Allah, Panginoon, Panginoon, Panginoon." Yun ang Panginoon. Isang nakakatuwang talababa sa kasaysayan - nuong sinakop ng mga Moors ang timog Espanya, dinala nila ang kanilang kaugalian at ang pagkabigkas ay nagbago matapos ang ilang mga siglo mula sa "Allah, Allah, Allah", eto ay naging "Ole, ole, ole" na hanggang ngayon ay maririnig nyo sa mga labanan ng toro at sa mga sayaw ng plamengko. Sa Espanya, kapagka ang mananayaw ay may nagawang tila impossible at puno ng mahika, "Allah, ole, ole, Allah, lubos na kahanga-hanga, bravo," hindi kayang unawain, ito iyon - isang sulyap sa Panginoon. At ito'y kahanga-hanga, dahil kailangan natin ito.
Subalit ang mahirap na bahagi ay ang pagdating ng kinaumagahan, para sa mananayaw, pagkagising nya at nadiskubre nyang Martes na at alas-onse ng umaga, at hindi na sya isang banaag ng Panginoon. Na sya ay isa lamang tumatandang mortal na may lubhang nananakit na tuhod, at maaring hindi na sya muli man aangat pa sa tugatog na iyon. At maaring wala na ulit aawit ng padasal, sambit ang ngalan ng Panginoon habang sya'y sumasayaw, At ano ngayon ang gagawin nya sa nalalabi ng buhay nya? Mahirap ito. Ito ang isa mga pinakamasakit na pagkakasundong ginagawa sa paglikha. Subalit maari naman na hindi na maging lubhang puno ng dalamhati kung sa una pa lang, hindi ka naniniwala na ang mga higit na kahanga-hangang aspeto ng iyong pagkatao ay hindi nanggagaling sayo. Subalit, siguro kung nanininiwala ka na ang mga ito ay pinahiram lamang sayo mula sa isang 'di mawaring pinagmulan para sa natatanging parte ng buhay mo na sa kalaunan ay ipapasa mo din sa ibang tao kapagka ikaw ay tapos na. At, alam nyo, kung sa ganitong paraan tayo mag-iisip, magsisimulang magbago ang lahat.
Sa ganitong paraan na ako nagsimulang mag-isip, at tiyak na sa ganitong paraan ako nag-iisip nitong mga nagdaan na buwan habang ginagawa ko ang isang libro na malapit nang ilathala, bilang syang peligroso, nakakatakot na lubos na inaabangan na kasunod sa aking nakakatakot na tagumpay.
At ano ang kailangan kong gawing, tila parang palagi kong pinagsasabihan ang sarili ko kapagka minsan natotorete na ako sa pag-iisip, na hindi ako dapat matakot. Hindi dapat panghinaan ng loob. Gawin lamang ang trabaho. Patuloy na magpakita para gawin ang bahagi mo, kahit ano man ito. Kung ang trabaho mo man ay sumayaw, sumayaw ka lang. Kung ang banal na henyo na nakatalaga sayo ay nagpasya na hayaang ipasulyap ang nakakamangha, kahit sandali lang dahil sa pagsisikap mo, kung gayon man, "Ole!" Kung hindi man, sumayaw ka pa rin. At "Ole!" pa rin sayo, gayunpaman. Naniniwala ako dito at nararamdaman ko dapat natin ito ituro. "Ole!" sayo, kahit ano pa man, kahit man lang sa pagkakaron ng lubos na pag-ibig at kasutilan sa patuloy na pagpapakita.
You can share this video by copying this HTML to your clipboard and pasting into your blog or web page. This video will play with subtitles.
You either have JavaScript turned off or have an old version of the Adobe Flash Player. To view this rating widget you
need to get the latest Flash player.
If your browser allows only "trusted sites" to execute Javascript, you should add the "googleapis.com" domain to your whitelist to allow our Flash detection to work properly.
Got an idea, question, or debate inspired by this talk? Start a TED Conversation.
Ibinabahagi ni Elizabeth Gilbert ang kanyang mga pagninilay ukol sa kalimita'y impossibleng ekspektasyon natin sa mga manlilikha at henyo ng sining. Ito ay isang nakakatuwa, personal at nakakaantig na talumpati.
The author of 'Eat, Pray, Love,' Elizabeth Gilbert has thought long and hard about some large topics. Her latest fascination: genius, and how we ruin it. Full bio ยป
Translated into Filipino by marjorie pepito
Reviewed by Polimar Balatbat
Comments? Please email the translators above.
22:52 Posted: Apr 2008
Views 969,208 | Comments 117
19:24 Posted: Jun 2006
Views 16,574,802 | Comments 3006
09:26 Posted: Jun 2011
Views 871,437 | Comments 2392
Just follow the guidelines outlined under our Creative Commons license.
This comment will be attributed to . Not ? Sign Out.